






Sa isang masiglang programa, pormal nang binuksan ang taunang CGCLYMPICS ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, na personal na pinangunahan ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio.
Opening ceremony pa lamang ay ramdam na ang init ng friendly competition at mas mainit na samahan ng mga empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan at opisina.
Kasama ang ating mga konsehal, Department Heads, Program Managers, Office Heads, at kawani ng Pamahalaang Lungsod, naging kwela at masaya ang daloy ng nasabing pagbubukas ng CGCLYMPICS.
Bitbit ang kani-kanilang makulay na banner, rumampa ang mga piling muse ng bawat kuponan. Kanya-kanyang sigawan at konting asaran ang pumuno sa Kalap Covered Court ika 18 ng Pebrero para sa nasabing Opening Ceremony — ngunit lahat ay para sa diwa ng pagkakaisa at sportsmanship.
Pagkakataon upang saglit na makapagpahinga mula sa seryosong gawain sa opisina, mapalakas ang samahan, at mas makilala ang bawat isa sa labas ng kani-kanilang mesa at mga papeles – dito umikot ang mensaheng ibinahagi ni Mayor Doy at Vice Bim, sa naturang seremonya.
Tunay namang sa loob o labas man ng opisina, deadline o bola man ang hinahabol, teamwork ang susi para magwagi!
Mahalagang layunin ng CGCLYMPICS ang pagpapalakas ng morale ng mga empleyado, pagbibigay-halaga sa work-life balance, at pagpapatibay ng ugnayan sa loob ng pamahalaan. Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, mas nagiging masigla at motivated ang bawat kawani sa pagbibigay-serbisyo sa mga Calapeño.
Dagdag pa ni Mayor Doy, ang paligsahang ito ay hindi lamang para sa tropeo, kundi para sa mas matibay na samahan at mas masiglang serbisyo publiko.