Welcome to Calapan City!

MALASAKIT PARA SA KALIKASAN — TAGLAY NG MGA TAGA CALAPAN!

Nasa humigit kumulang 100 newly hatched Hawksbill sea turtle (Eretmochelys imbricata) ang maingat na pinakawalan at sama-samang naglakbay tungo sa dalampasigan ng Barangay Navotas sa Lungsod ng Calapan ika apat ng hapon, unang araw ng Enero taong kasalukuyan.
 
Maituturing at kinilala ng Pamahalaang Lungsod na Pawikan Defenders sina Maria Clariz Mandigo at Jan Mark Recto mula sa Baranagay Lazareto sa kanilang ginawang pagprotekta at pag-aksyon sa natatanging sitwasyong ipinaranas sa kanila ng kalikasan.
 
Sa patnubay ng Calapan City Fisheries Management Office, matagumpay na naisagawa ang pagpapakawala sa mga nasabing newly hatched sea turtles.
 
Itinuturing ng International Union for the Conservation of Nature and Natural Resources at ng Endangered Species Act of 1973 ang pawikan bilang isang endangered species. At ipinagbabawal naman ng Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pangangaso, pagbebenta, at pagpatay, gayundin ang pagkolekta ng mga itlog ng mga nasabing endangered species.
 
Ang pangangalaga ng iba’t ibang mga yamang dagat katulad ng mga nasabing sea turtles ay patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon katuwang ang Fisheries Management Office sa pamumuno ni OIC-Fisheries Management Office, Wilfredo G. Landicho.
 
Matapos mabatid at makarating sa opisina ni CA Angel Navarro ang naturang pangyayari, pinatawag niya ang mga nasabing indibidwal upang bigyang pagkilala at abutan ng munting regalo para maipaabot sa kanila ang galak ng Pamahalaang Lungsod sa kanilang ginawang malasakit sa ating yamang dagat.