Lahat nakiisa, nakisaya, at all out sa isinagawang Barangay Night!
Pesonal na pinangunahan ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio ang 70’s themed Barangay Night na matagumpay na naisagawa ika 13 ng Disyembre sa Calapan City Convention Center, na dinaluhan ng mga Punong Barangay at iba pang opisyales ng barangay sa buong kalungsuran. Ang naturang gawain ay bahagi ng month-long celebration ng Sto. Niño de Calapan Festival na may temang, “Sto. Niño de Calapan, Akayin Mo Kami Sa Pagiging Misyonaryo At Mapagpasalamat Na Sambayanan”.
Naging siksik, liglig at umaapaw naman ang kasiyahan ng lahat ng dumalo sa nasabing pagtitipon dahil na rin sa iba’t-ibang pakulo, pampasiglang bilang at patimpalak na inihanda para sa kanila ng Pamahalaang Lungsod.
Samantala, isa sa naging highlight ng gabing iyon ay ang Search for Mr. & Ms. Liga ng mga Barangay. Bagaman, walang itulak kabigin sapagkat lahat ay nagbigay at nagpakita ng kanilang galing, husay at talento sa pagrampa, naiuwe nina Hon. Cyrus Espinosa ng Brgy. Salong at Hon. Jesusa G. Narsoles ng Brgy. Ilaya ang korona. Wagi naman ang Cluster 1 sa isinagawang dance contest ng gabi ring iyon.
Mainit ding nagpakita ng suporta at dumalo sa nasabing aktibidad sina 1st District Congressman Arnan C. Panaligan, Provincial Vice Governor Atty. CA Jojo Perez, Board Members Hon. RL Leachon, Hon. Bong Brucal, dating Board Member Jocy Neria, at mga miyembro ng 10th Sangguniang Panlungsod.
Malakas na palakpakan naman ang inialay ng lahat kina Dr. Basilisa Llanto, City Health and Sanitation Officer, ABC President Hon. Dennis Rojas, at SK Calapan City Federation President Hon. Deo Lopez para sa pag-organisa ng selebrasyong pambarangay na ito, na tunay namang nagdala ng sigla at saya sa bawat isa.





