Pagsusulong ng angkop na kamalayan sa usapin hinggil sa teenage pregnancy, mental health at HIV — ito ang binigyang tutok sa isinagawang USAPAN SA ESKWELAHAN: MENTAL HEALTH AWARENESS ng City Health and Sanitation Department sa pamamahala ni Dr. Basilisa Llanto – CHO.
Ayon kay Calapan City Mayor Doy C. Leachon, information & education ang susi upang maimulat ang ating kabataan sa di magandang epekto ng napapanahong isyu na ito ng teenage pregnancy, mental health at HIV.
Bilang City Population and Development Officer, tinalakay ni Dr. Ma. Teresita N. Bolor ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ng mga kabataan at mga negatibong epekto nito sa kalusugan ng batang ina, kaniyang anak at maging sa kanilang kinabukasan.
Samantala, bukod sa usaping pangkalusugan ng pisikal at kaisipan ng mga kabataan, naging pokus naman ng pagbabahagi ni Dr. Von Lyndon Hidalgo – Non Communicable Deseases, Medical Coordinator ang kahalagahan ng moral values at peer influence.
Mga dapat malaman ng mga kabataan hinggil sa HIV ang siya namang binigyang diin ni Dr. Kathleen May Joy Cabral, Infectious Diseases Medical Coordinator.
Malaking pasasalamat naman ni Principal IV ng Canubing NHS Juanita Dawis, sa isinagawang aktibidad na ito ng Pamahalaang Lungsod, sapagkat naniniwala aniya siya na sa pamamagitan ng mga makabuluhang hakbang na ito ng city government ay matutulungan ang mga kabataan ng Calapan na maging responsable at magtagumpay sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay.