Ika 18 ng Nobyembre, ginanap ang Empowering Barangay PESO Coordinators & Anti-Illegal Recruitment & Trafficking-in-Person Seminar sa DILG Bldg, City Hall Complex. Punong Barangay, Sangguniang Barangay Member, at PESO Coordinators ang nakibahagi at dumalo sa nasabing seminar.
Ang pagsasanay na ginanap ay pinangasiwaan nina City PESO Manager Dr. Eder Apolinar M. Redublo at Department of Migrant Workers MIMAROPA LEO II, Mark Janeo Maras. Nagsilbi bilang isang paalala at pagbabalik-tanaw ang naturang seminar sa mga programa na ipinapatupad ng gobyerno laban sa Illegal Recruitment.
Pangunahing layunin ng seminar na mapaigting ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal recruitment at human trafficking, gayundin ay mabigyan ng kaalaman at kamalayan ang publiko hinggil sa mga umiiral na batas upang maiwasang maging biktima ng ganitong mga uri ng krimen ang sinoman sa kanilang nasasakupan.
Naging target ng Pamahalaang Lungsod sa pamamahala ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon ang mga opisyal at namiminuno sa mga barangay sa lungsod sapagkat aniya, kadalasan ay sa grassroots level umano nagsisimula ang mga kaso ng illegal recruitment.
Dagdag paalala naman ni Dr. Redublo sa Calapeño, na laging tiyaking lisensyado at lehitimo ang mga kompanyang na nag-aalok sa kanila ng trabaho. Aniya pa, sa usaping ito, mainit na katuwang ng mga mamamayan ng Calapan ang tanggapan ng City PESO upang makakita at makahanap ng lehitimo at legal na mga trabaho, sa loob o labas man ng bansa.





