Isinagawa ngayong Nobyembre 7, 2025, ang ikatlong pagpupulong at field inspection ng Joint Monitoring and Inspection Task Force (JMITF) ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na direktang nakipagpulong ang grupo sa mga vendors ng Sta. Isabel at Km. 5. Layunin ng aktibidad na mabigyan ng gabay at impormasyon ang mga negosyante hinggil sa mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod upang maayos na ma-regulate ang kanilang pagnenegosyo.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong si Punong Barangay Marlo Masangkay ng Barangay Sta. Isabel, na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod para sa kapakanan ng mga vendor at sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang lugar.
Nauna nang nakipag-ugnayan ang City Economic Enterprise Development Office (CEED) sa pamamagitan ni EnP. Nepo Jerome G. Benter (City Economic Enterprise Development Officer) upang ipaalam ang mga plano ng lokal na pamahalaan sa pagsasaayos ng pamilihan—isang inisyatiba na alinsunod sa direktiba ni Mayor Doy Leachon para sa mas ligtas, maayos, at organisadong pagnenegosyo sa Lungsod ng Calapan.





