Mainit na nakiisa ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa isinagawang Earthquake Drill ng City Disaster Risk Reduction Management Department, sa pamamahala ni Mr. Dennis Escosora – City DRRM Officer.
Sa pagtunog ng sirena na hudyat ng simula ng naturang Earthquake Drill, agad na nagsagawa ng “Duck, Cover, and Hold” ang mga empleyado ng City Government at matapos ay agad na nagtungo sa mga itinakdang ligtas na evacuation area sa City Hall Complex.
Nagsagawa ng inspeksyon sa gusali gayundin sa mga nasugatan at posibleng naiwan sa loob ng City hall ang mga konsernado at itinalagang mga kawani ng CDRRMD at mga safety officers.
Ang inisyatibang ito ayon kay Calapan City Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Bim Ignacio, ay upang higit na mapalakas ang kahandaan natin sakaling makaranas ng lindol o iba pang sakuna.
Tiniyak naman ni DRRM Officer Escosora na sapat ang tauhan, kakayahan at kagamitan ng lungsod pagdating sa mga ganitong senaryo. Ngunit aniya, mahalaga na alam at handa rin ang kawani ng city government sa mga ganitong pagkakataon upang maiwasan at mabawasan ang epekto o dulot na panganib ng lindol, sakuna o anumang kalamidad.
Disiplina, kahandaan at sapat na kaalaman — magliligtas sa maraming mamamayan!





