Welcome to Calapan City!

OSCA Calapan, Namahagi ng Cash Gift sa mga Centenarian

Isinagawa ngayong araw sa Kalap Gym, Calapan City ang programa ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development Department (CSWD) at ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), kung saan namahagi ng cash gift para sa mga octogenarian at nonagenarian.
 
Ang nasabing aktibidad ay alinsunod sa Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Act sa ilalim ng Elderly Cash Assistance Program (ECAP), kung saan tumanggap ng tig-₱10,000 ang mga senior citizen na may edad 80, 85, 90, at 95 taong gulang bilang pagkilala sa kanilang ambag at inspirasyon sa komunidad.
 
Dumalo sa naturang programa si Vice Mayor Bim Ignacio kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod upang magpaabot ng kanilang pagbati at suporta sa mga benepisyaryo.
 
Buong suporta naman ni Mayor Doy Leachon ang nakatuon sa mga programa ng OSCA na nagbibigay-pugay sa mga nakatatanda ng Calapan. Patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong nagtataguyod ng kapakanan at kaginhawaan ng mga senior citizen sa lungsod.
 
Ang programang ito ay patunay ng malasakit at pagpapahalaga ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa ating mga senior citizen—mga haligi ng bawat pamilya at inspirasyon ng susunod na henerasyon.