CSC ORIENTAL MINDORO, NAGSAGAWA NG PRIME HRM MATURITY LEVEL 3 ORIENTATION SA CALAPAN CITY
Isinagawa ngayong Oktubre 9, 2025, sa Convention Center, Calapan City ang Orientation, Assessment, at Action Planning on PRIME HRM Maturity Level 3 sa pangunguna ni OIC-HR Marian Teresa G. Tagupa, LPT, MBA, JD, ng Human Resource Management Department ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Ang aktibidad ay pinamunuan ni CSC Oriental Mindoro Field Office Director Maria Theresa R. Poblador, at dinaluhan ng mga Department Heads, City Administrator Bobbie Navarro, at ng buong Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Bim Ignacio.
Layunin ng gawaing ito na higit pang paigtingin ang kahusayan at integridad sa pamamahala ng mga kawani ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapatatag ng mga sistema at polisiya na naaayon sa PRIME HRM standards ng Civil Service Commission. Bahagi ito ng programang Maayos na Bayan, Sigurado ni City Mayor Doy Leachon, na naglalayong isulong ang isang propesyonal, mahusay, at tapat na serbisyo para sa bawat Calapeño.