Nagtapos ngayong araw, Oktubre 3, 2025, ang eLGU System Deployment: Admin, User’s Training and Dry Run na matagumpay na isinagawa sa loob ng tatlong araw sa Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Sa pangunguna ni Jayvee J. Cabuyao, eLGU Provincial Technical Team Lead, isinagawa ang serye ng training sessions na naglatag ng mas makabagong kaalaman at praktikal na gabay para sa mas episyenteng pagpapatupad ng eLGU system.
Katuwang ang buong pamahalaang lungsod, ipinahayag ni City Mayor Doy Leachon ang kanyang buong suporta sa inisyatibang ito na bahagi ng patuloy na roadmap ng Calapan tungo sa mas mabilis, maaasahan, at episyenteng serbisyo publiko. Ito rin ay alinsunod sa mandato ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Itinaguyod ng Management Information Services Office (MISO) sa pangunguna ni Engr. Alven de Guzman, OIC, ang programang ito na nagsilbing konkretong hakbang sa digital transformation ng City Hall—isang malaking ambag upang gawing mas makabago at inklusibo ang pamahalaang lokal ng Calapan.
Sa pagtatapos ng seminar-workshop na ito, mas pinatibay ang kapasidad ng mga kawani ng lungsod na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa mas episyente, mabilis, at transparent na pamamaraan.