Handa na ang Pamahalaang Lungsod para sa iba’t ibang aktibidad kaugnay ng month-long celebration ng ika-125 Philippine Civil Service Anniversary.
Sa temang “Bawat Kawani, Lingkod Bayani: Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan”, Lunes unang araw ng Setyembre, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon at ng City Human Resources Management Department sa pamamahala ni Marian Teresa G. Tagupa, LPT, MBA, JD, ang kick-off ng nasabing selebrasyon kasama ang mga kawani ng City Government of Calapan.
Ayon kay Mayor Doy, nakasentro ang selebrasyon ngayong taon sa pagsusulong ng pagbabago sa antas at kalidad ng serbisyo-publiko para sa mga Calapeño.
Target aniya ng kanyang administrasyon na mas mapahusay pa ang serbisyo sa Calapeño at maglingkod nang may puso, dangal, at galing para sa bayan ng Calapan at maging ng buong lalawigan.
Ang mahalagang okasyong ito na pinagtibay sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1050, series of 1997 na nagde-deklara sa buwan ng Setyembre bilang Civil Service Month.
Ayon naman kay konsehala Atty. Bel Tanyag-Panaligan, na syang kumatawan kay Vice Mayor Bim Ignacio, “Sama-sama nating ibigay ang isang mahusay, dekalidad at tapat na serbisyo publiko para sa mga Calapeño”.
Sa naturang flag raising ceremony, isinagawa rin ang pagkilala sa mga natatanging kabataan ng Calapan, na nagpakitang gilas, talino at galing sa akademikong larangan, na isinagawa sa labas ng bansa. Tunay namang nagbigay ang mga ito ng karangalan sa buong lalawigan. Patunay na ang kabataang Calapeño — kayang makipagsabayan sa loob o labas man ng bansa.