Ang National Nutrition Month o Buwan ng Nutrisyon ay isang taunang pagdiriwang sa Pilipinas tuwing Hulyo. Ito ay inilunsad upang bigyang-pansin at tugunan ang mga isyung may kaugnayan sa nutrisyon, tulad ng malnutrisyon, labis na katabaan (obesity), at kakulangan sa mahahalagang bitamina ng isang indibidwal.
Sa inisyatiba ng City Health and Sanitation Department sa pamamahala ni Dr. Basilisa M. Llanto CHO, layon ng pagdiriwang na ito na itaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng wastong nutrisyon, lalo na para sa kalusugan at kaunlaran ng mga bata at ng mga mamamayan ng Calapan.
Ngayong taon, ang National Nutrition Month 2025 ay may temang: “Sa PPAN: Sama-sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat!” – Food and Nutrition Security Maging Priority: Sapat na Pagkain, Karapatan Natin”.
Binibigyang-diin ng aktibidad na ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat, ligtas, at masustansyang pagkain bilang pundasyon ng nutrition security.
Sa pagdalo ni Calapan City Mayor Paulino Salvador “Doy” C. Leachon sa nasabing aktibidad, kaniyang binigyang diin na prayoridad ng kanyang administrasyon ang agarang tugunan ang mga suliranin sa nutrisyon sa lungsod sa pamamagitan ng kolektibo at nagkakaisang pagkilos.
Ilan sa mga pangunahing sanhi ng malnutrisyon sa mga bata ay ang kahirapan, kakulangan sa sapat at masustansyang pagkain, at kakulangan ng kaalaman sa wastong kalusugan at nutrisyon, kaya naman ipinapaalala ni Mayor Doy na ang pagkakaroon ng access sa masustansyang pagkain ay isang karapatang pantao na dapat isaalang-alang at gawing prayoridad.
Ilan lamang sa naging highlight ng naturang pagdiriwang ay ang 10th birthday celebration ni Jamiel Villanueva Torres (100 Millionth Symbolic Baby), Lecture on Diabetes na ibinahagi naman ni Jocelyn Muli –Marcos, MD (Internist/Diabetes Specialist). At ang pag gagawad at pagbibigay pagkilala sa mga natatanging indibidwal sa larangan at sektor ng pangangalaga sa nutrisyon at kalusugan ng mga mamamayan ng Calapan.
Samantala, lubos ang pasasalamat ni Mayor Doy at CHO Dr. Llanto sa mga naglaan ng kanilang oras at nakiisa sa kanilang naturang selebrasyon. Nagpaabot sila ng taos pusong pasasalamat sa mga Barangay Chairperson, Kagawad on Health, SK Chairpersons, BHW leaders, BNS, City Nutrition Committee Members, City Nutrition Evaluation Team, Regional Partner Agencies, Doctors, Midwives, HRH Nurses & Midwives, Healthy Baon Challenge Cluster Winners, at sa lahat ng iba pang konsernadong indibidwal, opisina, departamento at ahensya na mainit na nakilahok sa Nutrition Month Celebration.
Higit na naging matagumpay ang nasabing pagdiriwang dahil sa tulong, suporta at dedikasyon na ipinakita nina POPCOM MIMAROPA Regional Director Reynaldo Wong, Vice Mayor Bim Ignacio, SDS Susana M. Bautista, Jocelyn Muli – Marcos, MD, Hon. Jun Cabailo Jr. Committee on Health and Sanitation Chairperson at Ms. Glenda Raquepo RN City Nutrition Action Officer.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon, layunin nito na itaas ang kamalayan ng publiko, itaguyod ang wastong gawi sa pagkain, at hikayatin ang bawat isa na bigyang-halaga ang wastong nutrisyon—lalo na sa mga unang taon ng isang bata, na kritikal para sa kanyang paglaki at pag-unlad.
#NutritionMonthCelebration #AksyonAgadII #MaayosnaBayanSigurado