Dumalo at nagpakita ng pagsuporta si City Mayor Marilou Flores-Morillo sa matagumpay na “2025 Division Schools Press Conference (DSPC) Opening Ceremony” na naisakatuparan sa pangunguna ng DepEd Schools
Division of Calapan City, ginanap sa Oriental Mindoro National High School (OMNHS) Gymnasium, sa Lungsod ng Calapan, nitong ika-1 ng Pebrero. Para sa taong ito, ang naturang aktibidad ay nakaangkla sa temang “Media for Inclusion: Promoting Diversity, Equity and Integrity through Campus Journalism”, kung saan ito ay isang magandang oportunidad, upang matuto at maipamalas ng mga young journalists ng lungsod ang kanilang natatanging talento sa larangan ng patas at malayang pamamahayag. Kaugnay rito, ang kaganapang ito ay nilahukan ng mahigit isang libong (1,000) kalahok, kabilang ang mga mag-aaral at gurong tagapagsanay, mula sa mga pampubliko at pribadong paaralang elementarya at sekondarya sa Lungsod ng Calapan. Batid ng Punong-lungsod, Malou Morillo na ang ganitong uri ng makabuluhang gawain ay makatutulong sa pagyabong ng mga mag-aaral, upang mas higit na mapaunlad ang kanilang kakayanan, bilang isang kabataang nagnanais na makapag-ambag para sa ikabubuti ng lipunan. Samantala, dumalo at naging bahagi rin ng nasabing programa sina Schools Division Superintendent, Ms. Susana M. Bautista, City Education Officer, Ms. Myriam Lorraine D. Olalia, CID Chief Dr. Joey B. Gutierrez, at Ms. Rechel Joco (Miss Universe Philippines Candidate), gayundin ang iba pang mga mahahalagang panauhin.










