Mga bata, dalaga, binata, at maging mga matatanda. Ang lahat ay masaya at aktibong nakibahagi sa 𝟭𝘀𝘁 𝗖𝗮𝗹𝗮𝗽𝗮𝗻 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗣𝗮𝘀𝘁𝗼𝗿𝘀 𝗔𝘀𝘀𝗼𝗰𝗶𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗝𝗼𝗶𝗻𝘁 𝗙𝗲𝗹𝗹𝗼𝘄𝘀𝗵𝗶𝗽 Activity na ginanap sa City Pavilion, Ibaba East, Calapan City, Oriental Mindoro nitong Linggo, ika-12 ng Pebrero 2023.
Matagumpay na naisagawa ang naturang gawain sa ilalim ng pamumuno ng tumatayong 𝗖𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 nito na si 𝗣𝗮𝘀𝘁𝗼𝗿 𝗦𝘁𝗲𝗽𝗵𝗲𝗻 𝗦𝗮𝗮𝗯, kaagapay ang iba pang mga masisigasig na Pastor at miyembro na naging katuwang niya para maisakatuparan ang maayos na daloy ng programa.
Sa simula, nagpaabot ng mainit na pagtanggap si 𝗣𝗮𝘀𝘁𝗼𝗿 𝗟𝗲𝗼 𝗔𝗹𝗺𝗼𝗻𝘁𝗲 para sa lahat ng mga dumalo at nakilahok sa isinagawang aktibidad, kung saan mahigit 300 na panauhin mula sa iba’t ibang simbahan katulad ng New Creation Christian Church, Father’s House Church, River of Life Church, Grace Alone Christian Church, Grand Harvest Christian Ministries, Inc, Christ Life Church, at Jesus Christ Saves Global Church ang inaasahan ng mga tagapamahala na lalahok at makikiisa para rito.
Kasunod nito, nagpahayag din ng mabuting mensahe si Pastor Rey dela Cruz at Pastor Ronnie Baculo para sa lahat ng mga buong pusong sumusuporta at nananalig sa nag-iisang Panginoong Diyos.
Layunin ng aktibidad na maipakilala ang Diyos at ang magandang adhikain ng Calapan City Pastors Association sa pamamagitan ng pagkakaisa para sa isang makabuluhang gawain katulad ng sama-samang pagdarasal at sama-samang pag-awit, kung saan maipakikita ang taos pusong pagmamahal, pagpapasalamat, at pananampalataya sa ating nag-iisang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Gayundin, buong pusong sinusuportahan ni City Mayor Marilou Flores-Morillo ang kanilang mga ginagawang hakbang para paglingkuran ang ating minamahal na Diyos.
Batid niya na ang ganitong uri ng pagtitipon para sumunod sa kalooban ng Panginoon ay mayroong magandang epekto na makatutulong para pagbigkisin ang puso at isip ng bawat isa sa pamamagitan ng matibay na pagmamahal at pananampalataya.





