Sa pagtutuwang ng City Government of Calapan at ng Calapan City Eagles Club ay matagumpay na naisakatuparan ang paglulunsad ng Art Workshop and Reading Enhancement sa pangangasiwa ng Calapan City Library.

May 100 mga Bata mula sa 11 Barangay sa lungsod na kinakalinga ng ‘Hiyas ng Tahanan Child Development Center” na siyang Social Development Arm ng United Evangelical Church ang naging benipisyaryo ng nasabing proyekto.

Upang mas higit na maiparamdam ang kanyang pagmamahal at malasakit sa mga bata ay personal na dumalo si Mayor “Tita PetMalou” sa paglulunsad ng programa na kung saan ay buong sigla siyang sinalubong ng mga bata, magulang at ng pamunuan ng UEC.

Ayon kay Pastor Tallada, Coordinating Pastor ng UEC, makasaysayan ang okasyon na ito sapagkat iyon ang kauna-unahang pagkakataon na tumuntong si Mayor Malou sa simbahang kinakaaniban ng pamilya ng kanyang asawa. Kanya ring pinasalamatan ang mga kabalikat sa nasabing gawain.

Nagagalak naman si Mayor Malou na makaharap ang mga batang benipisyaryo ng proyekto na kanyang binigyang pangaral na mag-aaral ng maayos at lumaking mabubuting bata.

Kanya ring kinilala ang partisipasyon ng City Library at ng Calapan City Eagles Club gayundin ang pamunuan ng United Evangelical Church.

Bilang kinatawan ng mga bata at kanilang mga magulang ay ipinahayag ni Ms. Sherine Zamora, Project Supervisor ang walang hanggang pasasalamat sa lahat ng kabahagi sa pagsasakatuparan ng proyekto.

Mababakas sa ang ngiti at pananabik sa mukha ng mga bata na tuturuang maging mahusay sa pagbasa at sining sa loob ng dalawang magkasunod na araw ng Sabado.