Tanda ng pakikiisa ng Pamahalaang Lungsod sa ‘Bamboo Awareness Month Celebration’ na ngayong taon ay may temang: “Bamboo for Green Life and Sustainable Development” ay tuloy-tuloy pa rin ang pagkilos ng City Government of Calapan sa pangangasiwa ng Fisheries and Management Office upang ipakita ang pagsuporta sa adbokasiyang ito.

Ang pagpapayabong at proteksyon sa kalikasan ay kasama sa haligi ng Vision 2031: Green City of Calapan Program ni City Mayor Malou Flores-Morillo kung kaya naman higit pang pinalakas ng kanyang administrasyon ang mga programa at inisyatiba para sa paglinang ng mga likas-yaman ng lungsod.

Oktubre 8, 2022, sa baybay-lawa ng Caluangan Lake Barangay Canubing I ay pinangunahan ni Mayor Morillo ang ‘Ceremonial Bamboo Tree Planting’ kasama ang mga kabalikat gaya ng PNP-Maritime Group, Alpha Coy-Civil Military Operations Philippine Army sa pamumuno ni SSG JUN-JUN ADARNA, Greenland Gracias Volunteers sa pangunguna ni Ms. Thelma Lunar, Sangguniang Barangay ng Canubing I sa pamumuno ni Barangay Chairman Joselito Olaño, BFARMC sa pangunguna naman ni Mr. Ruben Chavez SAKAG members at mga residente.

Ang mga itinanim na kawayan sa lugar ay bahagi lamang ng isandaang puno ng kawayan na itinanim sa baybayin ng Caluangan Lake at Baruyan River kaalinsabay ng ika-sandaang araw ng panunungkulan ni City Mayor Morillo na inaasahang magbibigay ng ibayong benipisyo gaya ng carbon dioxide sequestration, pag-iwas sa pagtabag ng lupa at benipisyong pangkabuyan ng kawayan sa hinaharap.

Sa kanyang pakikipagdiyalogo kina City Administrator/Fishery Management Officer Atty. Reymund Al Ussam, Dr. Marius Panahon, Caluangan Lake Development Coordinator at Chairman Olaño ay napag-usapan ang mga plano at interbensyon na kinakailangang gawin upang mapangalagaan ang nag-iisang lawa ng Calapan.

Kabilang dito ang pagpapalakas ng Fishery Lake Warden, pasilidad at pag-adikha ng mga makabagong kagamitan sa pagpapatrolya laban sa mga nag-iiligal.

Iminungkahi na rin ang pag-review sa Caluangan Lake Management Plan upang maiangkop ito sa mga pagpaplanong nakapaloob sa Green City of Calapan Program. Ang pagsusulong na gawing departmento ang kasalukuyang Fisheries Management Office upang palakasin ang kapabilidad nito na gampanan ang mandato na magpatupad ng mga programang nauukol sa pangisdaan at pangangalaga sa kabuuang katubigan at pagbibigay ng pangkabuyan sa mga komunidad sa lakeside at coastal barangays.